Emilio Aguinaldo. Gunita ng Himagsikan (1964)
Ayon sa kanya: Ang panunubok na ito ay naitala din ni Aguinaldo sa kanyang
“Samantalang naghahapunan ang aking mga kawal sa gitna nang di masayod na kagalakan, at ipinasundo ko naman ang aking dalawang heneral na sina Heneral Pio del Pilar at Heneral Mariano Noriel. Dumating naman agad. Nguni’t nang humarap sa akin ay napansin kong wari sila’y nakikimi at nangangatal sa hiya, at makasagot dili sa akin nang sila’y aking kumustahin. Sa ganito nilang anyo at kilos, ay ako na ang nagsalita.
“Huwag kayong matigilan at mahiya sa akin dahil sa natalos kong kayo’y lumipat sa Supremo A. Bonifacio, at sumang-ayon sa lahat ng kanilang pinag-usapan sa loob ng bahay hacienda! Ako’y hindi nagtatampo ni may sama ng loob sa inyo dahil sa inyong ginawa. Nalalaman kong dala ng inyong pagka-makabayan, ay naniwala kayo na yaong sulat na walang lagda na binasa at ipinakita sa inyo ng Haring Bayan, ay may katotohanan, kung kaya kayo’y pumayag at pumanig sa kanila. Talagang mahihikayat kayong lahat sa kanilang paliwanag, lalo pa nang nombrahan kayong Kapitan Heneral ng kanilang parayang bagong pamahalaan, para malubos kayong papaniwalain na ako’y nagtataksil sa ating bayan. Sino man ang lumagay sa inyong kalagayan, at maging ako man marahil ay papanig sa kanila, kung sa paniwala ko’y yaon ay may lubos na katotohanan. Salamat na lamang at ngayon ay makikilala ninyo pagkatapos, na yaon ay isa lamang pakana, ng mga maruruming budhi, na ang layon ay ibagsak ang ating himagsikan at nang tayo’y magkahati-hati at mangag-away-away na mga magkakapatid sa Katipunan at huwag mahango sa kaalipinan ang ating Inang Bayan.”
“Ina ko po! ! !” ang halos panabay na isinagot sa akin ng aking mga kausap. “Totoo pong lahat ang inyong sinabi na kami’y pawang nangalinlang sa gayong mahusay na pakana. Salamat na po lamang at nagkapalad kayong kami’y nasubukan sa aming pagpupulong at nasugpo ninyo ang aming tangka sa mali nilang pakana. Salamat din po at nasiyahan na lamang kayo sa pagka-subok sa aming pulong sa halip na pagbabarilin ninyo kami. Ang totoo’y galit na rin kami sa inyo sa paniwala sa sinabi sa amin ng Supremo, na isusuko ninyo sa mga Kastila ang lahat ng lakas ng himagsikan pagdating dito ng mga kalaban.”
“Kung gayon, yamang ipinag-aadya pa tayo ng mabuting kapalaran, tayo’y magsiurong na, upang maharap nating mabuti ang pagbabangon ng mga trintsera.
Pagkatapos ng aming maikling pagpapanayam na ito’y agad ko silang pinabalik sa kani-kanilang himpilan na kasama ang kani-kanilang mga kawal, upang makapagpahinga, at ako naman ay gayon din.
Samantala’y gumigiyagis sa aking isipan ang imbing gawing aking natuklasan. Ano kaya ang kanyang hangad, ibagsak ako, ang ating himagsikan, ó ang matibay na pagkakaisa ng bayan? Kung paano kong masusugpo nang mahusayan ang mali nilang pakana sa pamahalaang manghihimagsik, ay siya kong pinakasusuri sa sandali ng aking pagmumuni-muni.” (Mga Gunita., pp. 204-205)
“Pagkatapos na matuklasan ko ang mahiwagang pagpupulong sa bahay hacienda sa Naic, noong ika-19 ng Abril, kinahating-gabihan ng araw ring yaon naglamay na umalis na patakas ang Supremo A. Bonifacio, na dala ang kanyang tropa, at diumano’y umuwi sila sa Balara, Montalban. Ang balitang ito’y inihatid sa akin umagang-umaga ng ika-20 ng Abril, ng isang opisyal na tagatanod. Kasabay ring umalis si Heneral A. Ricarte at ang Hukbo ng Magdiwang na sasaklolo diumano kay Heneral Miguel Malvar, sa Tanauan, Batangas, sa kapahintulutan ng Supremo.
Sa ganitong sunud-sunod at sadyang pamamaslang, at malisyang gawain ng mga kinikilala kong mga kapatid sa Katipunan ako’y natitigilan na lamang at nauuwi sa paghuhunos-dili upang maiwasan na ako’y mabunsod sa talagang aking iniilagan, na kami-kami’y magpatayan ó magkaroon ng “guerra civil,” sapagkat kung ito’y maisasagawa ay walang salang siyang katapusan at kabiguan ng aming itinataguyod na himagsikan, at sa kabila nito, tiyak na ang kahahangganan ay ang kapahamakan ng ating Inang Bayan.
Nagtataka ako kung bakit ako pa ang kanilang kinaiinisan, gayong taboy at hagad na kami ng aming kalaban, sa halip na matulungan kami ng pagtatanggol sa bayan. Bakit, at anong adhikain mayroon sila na alisin ang mga kawal sa Kabite, at paabuluyin pa sa Batangas, samantalang ang Kabite ang pugad ng labanan at dito ibinubuhos ang lakas at pagsalakay ng mga kalaban.
Hindi ko naman mapawalang halaga ang pananagutan sa aking tungkuling Pamamatnugot sa Republika ng Panghihimagsik na ipinagkatiwala sa akin upang huwag na lamang akong kainisan. At hindi naman ibig pang pulungin ang aking mga heneral, sapagaka’t pawang kumukulo na ang kalooban sa nangyayari.” (Mga Gunita ng Himagsikan., p. 206.)
“Tangi sa pangyayaring iyan, nang ika-24 naman ng Abril 1897, tumanggap ako ng isang sulat mula sa Punong Bayan ng Indang, na humihingi ng saklolo dahil sa dumating daw doon ang tropa ng Supremo A. Bonifacio, at nilooban daw ang bayan. Pinagkukuha diumano sa bawa’t bahay na mapanhik ang mga bigas at iba pang kailangan, at nang matanto ito ng kanyang naging Ministro de Interior, sa Magdiwang na si Don Severino de las Alas, ay ipinagbigay alam agad sa akin, tuloy humingi ng tropa upang bakahin ang Supremo dahil sa masama niyang ginawa sa taong bayan. Ang ginawa ng mga taga roon ay pinatayuan ng palconete (kanyon) ang plasa at pinaipong lahat ang tropang gulukan sa Indang upang harapin ang kawal ng Supremo. Subali’t nang malaman daw ng Supremo, ang ganitong kilusan, ay nagmadaling nagpanakbuhan at tumungo noon din sa bundok ng Limbon. Dito nagkulong muna, samantalang madaling pinabangunan ng bateriya ang lahat ng papasukan.
Ang ginawang kapaslangang ito ng Supremo at mga kasamahan na pagtataksil sa Pamahalaan ng himagsikan, ay dinamdam ng lahat kong kasamahan sa bagong pamahalaan, at sa mungkahi ng Secretario de Guerra, Heneral Emiliano Riego de Dios, Hen. Baldomero Aguinaldo, at Hen. Tomas Mascardo na aking sinang-ayunan ay inatasan ko kaagad sina, Koronel Agapito Bonson, Koronel Ignacio Pawa, at Koronel Felipe Topacio, na madaling habulin at pabalikin sa Naic ang Supremo Bonifacio, at kasamahan nito.
Pagdaka’y tinupad ang aking utos at dinala nila ang kalahating batalyong mga kawal, kahi’t agam-agam ang loob ko na baka kami lusubin ng mga kalaban.
Kinabukasan, at sa kabutihang palad, kanilang inabot sa bulubundukin at kagubatan ng bundok ng Limbon, sakop ng Indang. Nangagtaka ang aking mga inutusan kung bakit sa maikling panahon ay napabangunan at naipahanda kaagad ng Supremo ang mga Trintsera sa nasabing lugal, kaya’t nang dumating ang aking inutusan, ay hindi sila pinayagan ng tanod na makapasok, hanggang walang pasiya ang Supremo. At nang dumating ang pahintulot na papasukin, ay si Koronel Intong (Agapito Bonzon) lamang ang pinapasok na magisa, tuloy nagpanayam ang dalawa.
Sinabi ng aking Sugo kung bakit siya nakarating doon, at tahasan niyang ipinagtapat na sa pangalan ng Presidente, Emilio Aguinaldo, ng ating Pamahalaan, ay ipinasusundo silang lahat na magkakasama, at huwag ang hindi magbalik agad sa Naic. At saka-sakaling aayaw kayong sumama, ay pilitin daw naming huwag kayong maiwan.
“Ah! Sabihin mo kay Kapitan Emilio,” ang tugon ng Supremo, “na ako’y kanilang didispensahin. Kailan man ay di ako makababalik sa bayang ayaw magbigay sa amin ng pagkain.”
“Aba!” — tugon ni Koronel Bonzon, “bakit kayo magugutom, ganitong alam ko na masagana ang rasyon at walang tasa ang ibinibigay sa inyo ng bayan ng Naic.” Sa katunayan ay may malaki pa kayong kainan ó handang iniwan sa bahay hacienda ng gabing umalis kayo sa Naic at ipinakain pa sa amin ng Presidente Aguinaldo.”
“Oo nga” ang tugon ng Supremo — “Subali’t ang dinaramdam ko, ay kung bakit hindi binigyan ng rasyong pagkain ang mga pamilya ng aking mga kawal na nangamatay sa pagtatanggol sa Malabon, kaya anuman ang sabihin mo, ay hindi na ako makakabalik pa sa Naic, at lalo pa sa Indang!”
Sa ganitong matigas na pangungusap ng Supremo, ay nagpaalam na si Koronel Bonzon, at sinabi niyang sila’y magdediskubierta pa o magmamasid-masid muna sa dakong Amadeo, at pakikiramdaman ang kilos ng mga kalaban sa Silang. Subali’t sa kanyang pagyao, ay sinuri muna niyang mabuti kung gaanong katibay ang kinalalagyang lugal ng Supremo at pinag-aralan niya kung saan-saan nagpatayo ng bateriya at kung paano masasalakay, at kung saan sila papasok, saka-sakaling salakayin nila upang matupad ang utos na ibalik sila sa Naic sa ibig nila o ayaw.
Nagpatuloy si Koronel Intong sa Amadeo, na kasama ang kanyang tropa, nguni’t bumalik din agad sa Limbon, pagkatapos na mapag-aralan nila ni Koronel Pawa at Koronel Topacio, kung paano nila papasukin ang kinalagyan ng Supremo upang mangadakip nang buhay ang mga ito at maibalik sa Naic. Sa madali’t salita, napasok nila ang kampamento ng Supremo nang hindi man lamang napansin ng mga bantay na nanga sa bateriya. Subali’t nang matanawan sila ng matapang na Koronel Ciriaco Bonifacio, kapatid ng Supremo, pagdaka’y pinaputukan sila ng abut-abot ng kanyang Mauser na hawak, at noon din ay napatay ang Sarhentong taga Imus, at isang kabong taga Amadeo, at tatlo pang kawal ang nasugatan. Ginantihan naman sila ng kawal nina Koronel Intong, at dalawa pa ang sugatan. Ang Supremo ay tinamaan din nang padaplis sa panlalaban, sa tagiliran ng leeg sa dakong kaliwa na may isang sentimetro ang lalim, nguni’t dinamdam ito na parang isang sugat na malubha, kaya’t noon matapos na ang labanan ay ayaw lumakad kundi duyanin siya upang iuwi, bilang bihag, dahil sa alam niyang parurusahan siya sa kasalanang nagawa sa Naic.
Salamat sa kaparaanang ginamit nina Koronel Intong, Topacio, at Pawa, sa pagtutop sa Supremo, salamat din at agad sumuko ang mga kawal ng Supremo, at sa ganito’y naiwasan nila ang pagdanak ng katakut-takot na dugo ng mga magkakapatid at iilan lamang ang naging bangkay. Salamat din at ng mga sandaling iyon ay wala roon ang mga kawal ó kolumna ni Hen. A. Ricarte at nagtungo di-umano sa nayon ng Kaytitingga, at kung hindi, disin sana’y marami ang naging bangkay sa mga magkakapatid sa Katipunan. (Aguinaldo. Mga Gunita., pp.209-211)
